Dinukot umano ngayong Miyerkules July 29, 2020 ng mga armadong lalaki si Mayeh Amatorio, ang dating kasintahan ni Jang Lucero, ang babaeng driver na walang awang pin@tay sa loob ng kaniyang sasakyan sa Laguna noong nakaraang buwan.
Sabi ni Police Lieutenant Colonel Citadel Gaoiran, chief ng Laguna Police Public Information Office, nasa 10 suspek umano ang puwersahang kumuha kay Amatorio at isa pa niyang kaanak sa kanilang compound sa Bay, Laguna kaninang tanghali.
"Based po sa report ng Bay, allegedly about mga 12:20 p.m. doon sa may Barangay Calo... ito pong si Adrian Ramos y Amatorio at si Meyah Amatorio ay diumano dinukot ng sampung mga kalalakihan," sabi ni Gaoiran.
Ang mga nagbigay daw ng impormasyong ito sa mga awtoridad ay mga kaanak ni Amatorio ayon kay Gaoiran.
Lubos namang gumagawa ng paraan at imbestigasyon ang mga awtoridad sa insidente.
Bukod sa paghahanap ng mga nakasaksi sa pangyayari, naghahanap din ang mga awtoridad ng CCTV na maaaring makatulong sa kanilang imbestigasyon.
Sinabi rin ni Gaoiran na aalamin din nila kung may kinalaman sa kaso ni Lucero ang insidente.
"Tinitingnan po natin kung related ba ito o ano 'yung motibo," anang pulis.
Kamakailan lang ay hiniling ng mga kaanak ni Lucero na isama sa imbestigasyon ng mga awtoridad si Amatorio.
Pero itinanggi ni Amatorio na may kinalaman siya sa krimen ng kaniyang kasintahan.
Naging suspek din sa krimen ang dating karelasyon ni Amatorio na si Annshiela Belarmino, pero kinalaunan ay pinalaya rin ng piskalya dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Matatandaan na nagtamo ng mahigit 50 saksak si Lucero sa loob ng kaniyang sasakyan na nakitang nakaparada sa Calamba, Laguna.
Nakita ang bangkay ng biktima ilang oras matapos siyang magsakay ng pasahero para sa kaniyang sideline na paghahatid ng pasahero gamit ang kaniyang kotse.
Source: The Philippine Times